Nakuhanan ng CCTV ang pananapak ng isang lalaki sa isang bus driver sa EDSA. Ayon sa tsuper, posibleng nakasingitan niya ang motorista sa kalsada.

Sa ulat ni JP Soriano sa 24 Oras nitong Huwebes, makikitang sumugod sa bus ang motorista at binatukan ang driver na si Vincent Guy-Ab.

Pagkatapos ulanin ng palo at suntok ang driver, bumaba na sa sa bus ang motorista. Kasama niyang umalis ang isang babae na nakitang kumakatok sa pintuan ng bus para pigilan ang kanyang kasama.

Ayon sa kuwento ng tsuper sa GMA News, kinalampag muna ng lalaki ang side mirror ng bus bago siya sinaktan nito.

Kuwento ng tsuper: "Bigla nalang kinalampag diyan, nagulat 'yung pasahero ko, kaya tinignan niya 'yung bintana. Three times niyang sinapak."

"Nung pag-akyat niya, wala na siyang sabi-sabi, basta nalang akong sinapak. Una, sampal muna, tapos, sabay sinuntok na'ko nang sinuntok tapos binagsakan nang binagsakan," dagdag nito.

Nawalan pa daw ng malay si Guy-Ab dahil sa pananakit sa kanya ng motorista.

"Naka-seatbelt kasi ako. Hindi ako makatayo, kaya binagsakan ako nang binagsakan n'yan. Nu'ng binagsakan ako, eh 'yun, nawalan ako ng malay eh," kwento niya.

Hindi raw malinaw sa tsuper kung bakit siya sinugod, pero posible raw na nakasingitan niya ang lalaki sa may bandang EDSA Balintawak.

Sinusubukan pang matunton ng GMA News ang pagkakakilanlan ng lalaki na nasa video.

Nakapagpa-blotter na sa pulisya ang tsuper at naireport na rin niya sa Land Transportation Office ang plaka ng motorista.

Subalit nakausap daw niya ang kapatid ng lalaki at siya pa raw umano ang pinagbantaan ng kaso dahil sa pag-post nito ng CCTV footage sa social media.

Handa naman daw tumulong sa driver ang pinapasukan niyang bus company.

Ayon kay Isagan Anahaw, dispatch officer ng Cher Bus: "Mali parin 'yung ginawa ng lalaking 'yun gawa ng wala naman siyang karapatang manakit eh, kahit na nagalusan ang sasakyan niya."

"Wala namang nasaktan," dagdag niya. —Margaret Claire Layug/NB, GMA News