Arestado ang anim na umano'y shoplifter matapos mabangga ang kanilang getaway vehicle sa Barangay Poblacion, San Jose Del Monte City sa Bulacan.

Ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Biyernes, tumakas ang mga suspek sakay ng isang AUV matapos nilang makapagnakaw ng mga damit na nagkakahalaga ng mahigit P6,000.

Kuwento ni Police Superintendent Fitz Macariola, hepe ng  San Jose Del Monte Police, napansin ng may-ari ng tindahan ang ginagawa ng mga suspek kaya nagsumbong ito agad sa pulisya.

"Meron kasing CCTV itong ating owner. Na-observe nga po ng store owner na yung ginagawa nitong mga taong 'to and then immediately, they reported this matter to the police," aniya.

Dagdag pa niya, "Nililito po nila yung bantay then kanila pong pinapasok po sa kanilang damit, sa ilalim po ng kanilang damit,  'yung mga items na 'to."

Naabutan ng mga pulis ang sasakyan ng mga suspek matapos mabangga ito sa isang truck.

Nakuha sa loob ng sasakyan ang mga ninakaw na damit ng mga suspek.

Itinanggi naman ng isang suspek na siya ang nagnakaw ng mga damit.

Posible rin daw na sangkot ang mga suspek sa iba pang mga krimen.

"Ito po ay masasabi natin na isang sindikato na malamang po ay hindi lang po dito involved. Sila ay possibly involved din sa ibang kriminal na incidents dito gaya ng budol-budol," ani Macariola.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong theft. —Maia Tria/KBK, GMA News