Arestado ang dalawang tulak umano ng shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Kamuning, Quezon City nitong Biyernes ng gabi.

Target ng operasyon ang tattoo artist na si Michael Angelo Isla, 24, na nabilhan ng P500 halaga ng shabu.

Pero ang nag-abot ng ilegal na droga sa operatiba ay ang kaibigan ni Isla na si Lee Anne Layumas, 26.

Sa kabuuan, nakuha sa mga suspek ang nasa 11 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na halos P75,000.

 

 

Ayon kay Police Chief Inspector Melchor Rosales, deputy station commander, nakipagtransakisyon ang operatiba online kaya naikasa ang buy-bust operation.

Si Isla raw ang itinuturong source ng shabu ng mga nauna nang nahuling drug suspek ng Quezon City Police District Station 8.

Bahagyang nasugatan ang dalawang pulis dahil nagpumiglas si Isla habang inaaresto.

Istilo raw ng mga suspek ang consignment o ang pagpapautang ng shabu sa ibang tulak at babayaran na lang ito kapag naibenta na.

Mahigpit namang binabantayan ng mga awtoridad ang bentahan ng illegal na droga online lalo’t isa sa sampung nahuhuli raw nila ay dito ang nagiging transaksiyon.

Sabi ni Isla, gumagamit lang siya ng shabu habang si Layumas ay inaming nagre-repack ng shabu si Isla.

Mahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —KG, GMA News