Isang 'di pangkaraniwang kaso ng pagdukot ang nalutas ng mga awtoridad matapos nilang masagip sa Tondo, Maynila ang biktimang estudyante ng Colegio de San Juan de Letran. Ang mga suspek, lumitaw na mga estudyante rin.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, sinabing apat na suspek ang nadakip ng mga awtoridad na sina Jhulius Atabay, Ferdinand Dela Vega Jr., Ralph Emmanuel Camaya, at Justine Mahipus.

Anim na estudyante pa umano ang pinaghahanap, na ang iba ay mula sa ibang unibersidad sa Maynila.

Sinabi ni PNP Anti-Kidnapping Group Director, Chief Supt. Glenn Dumlao,  gabi noong nakaraang Miyerkoles, Agosto 1, dinukot ng mga suspek ang biktimang estudyante sa LRT Central Station.

Kasama umano ng biktima ang kaklaseng si Atabay nang mangyari ang insidente.

Pero hinayaan daw siyang patakasin ng mga suspek para mamagitan sa negosasyon sa hinihinging P30 milyong ransom kapalit ng paglaya ng biktima.

Ngunit sa imbestigasyon ng pulisya habang isinasagawa ang negosasyon, napaamin ng mga awtoridad si Atabay na siya ang mastermind sa pagdukot sa kaniyang kaklase.

Nang puntahan ang lugar kung saan itinago ang biktima, nasagip ang estudyante at nadakip ang tatlo pa niyang kasama.

Ayon kay Dumlao, pangangailangan sa pera ang sinasabing motibo ng mga suspek sa ginawang pagdukot sa biktima.

May takip sa mga mata at nakatali ang mga kamay nang biktima nang masagip ng mga pulis sa safe house ng mga suspek.

Sinabi pa ni Dumlao na ipinagkatiwala umano ng mga suspek ang biktima sa nangangasiwa sa bahay at pinalabas na isasalang ito sa "initiation."

Bagaman nagkaroon ng bahagyang trauma sa kaniyang sinapit at dalawang araw na 'di nakainom at nakakain, sinabi ni Dumlao na nasa mabuting kalagayan naman ang biktima.

Mahaharap naman sa kasong kidnapping ang mga suspek.-- FRJ, GMA News