Na-hulicam ang pangho-holdup ng isang lalaki sa isang babaeng naglalakad sa eskinita sa Tondo, Maynila. Ang suspek, inakbayan pa muna ang babae bago tinutukan ng patalim.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage na in-upload ng isang YouScooper na naglalakad ang babae sa Wagas Street nang bigla siyang akbayan ng isang lalaki.

Ilang saglit pa ang lumipas, tinutukan na siya ng hindi niya kilalang lalaki ng maliit na balisong at pinagbantaang papatayin kung siya'y sisigaw.

Pinilit ng suspek na agawin ang pitaka ng babae. Nahahawi pa ng biktima noong una ang kamay ng suspek, ngunit naagaw din ito ng salarin.

Matapos nito, kumaripas na ng takbo ang suspek. Hinabol siya ng biktima at ng mga residente ngunit nabigo sila.

Naiulat na sa pulisya ang insidente, ayon sa uploader.

Naglalaman ang wallet ng P1,000.

Sa San Pablo, Laguna naman, nakunan din sa CCTV ang panghahablot ng bag ng isang lalaki sa isang tindahan.

Makikita sa video na tila tumitingin noong una ng mga paninda ang lalaki. Lumakad siya sa loob ng tindahan at binigyan ng daan ang isang customer.

Ngunit makalipas ang ilang segundo, dinampot na niya ang isang bag na nakapatong sa upuan at agad na tumakas.

Abala noon sa pag-aayos ng kanilang mga stock ang may-ari ng tindahan kaya wala silang naiwang bantay.

Naglalaman ng P5,000, ATM card at mga ID ang natangay na bag. — Jamil Santos/MDM, GMA News