Karumal-dumal ang sinapit ng mag-ina sa Barangay Ugong, Valenzuela matapos silang patayin sa saksak ng kanilang kapit-bahay nitong nakaraang Sabado.

Ayon sa ulat ni Oscar Oida sa "QRT" nitong Martes, pinagsasaksak umano ng suspek na si Lofferia Dupilas si Jolina De Leon at ang isang-taong-gulang nitong anak na si Ayeesha matapos siyang mahuli na nilolooban ang isang bahay sa kanilang lugar.

Hindi pa nakontento ang suspek at hinalay pa niya si Jolina kahit patay na ang biktima.

Ang sariling ina at kapatid mismo ni Dupilas ang nagsumbong sa kaniya sa mga awtoridad.

Narekober sa bahay ng suspek ang patalim na ginamit sa pagsaksak sa mag-ina pati na rin ang mga ninakaw niyang gadget.

Hindi na itinanggi ni Dupilas ang nagawang krimen. Inamin din niya na nakainom siya at nasa impluwensya ng ipinagbabawal na gamot nang mangyari ang krimen.

Humingi rin siya ng tawad sa asawa ni Jolina.

Nahaharap si Dupilas sa kasong two counts of robbery and homicide. —Anna Felicia Bajo/NB/FRJ, GMA News