Anim na katao ang nasawi, kabilang ang apat na menor de edad, matapos na masunog ang isang paupahang gusali na wala umanong permit sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "Balitanghali," sinabing umabot sa ikalawang alarma ang sunog sa apat na palapag na gusali sa Brgy. 118 nitong Martes ng hapon.

Tuluyang naapula ang sunog matapos ang nasa dalawang oras.

Kinilala ang mga biktima na sina Ysabel Ygonia, 8-anyos; Bryan Ygonia, 7-anyos; Juliana Bermudo, 13-anyos; at isang hindi pa makikilalang batang lalaki.

"Hindi siya pumasok eh. Tiningnan ko na e," sabi ng isang kaanak ng biktima.

"Chineck namin sa Tondo [High School], hindi raw. Grade 8," anang isa pang kaanak ng mga biktima.

Tinangka pang isugod sa Gat Andres Hospital ang nanay nina Ysabel at Bryan na si Anabel Ygonia pero ayon sa Manila Fire District, dead on arrival na ito.

Namatay din kalaunan ang isa sa dalawang isinugod pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center.

Posible namang maharap sa reklamo ang may-ari ng paupahan na si Ricardo Antoque dahil sa kawalan ng permit at fire exit ng gusali.

Napag-alaman na kinailangang tumalon ng mga tenant sa bubong ng ibang bahay para makatakas.

"'Yung fire exit na sinasabi is 'yung bukas na pintuan lang na du'n ka tatalon sa bubong, eh nagkasunog. Nasunog 'yung tatalunan nila. So paano sila makaka-exit doon e 'yung 4th floor nila, trapped din doon. Puwede natin siyang [kasuhan ng] reckless imprudence resulting to negligence on the part doon sa building owner kung mapapatunayan natin ito," sabi ni Sr. Insp. Reden Alumno, Chief of Investigation and Intelligence Section, Manila Fire District. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News