Inilahad ng isang kasambahay ang naranasan niyang pagmamalupit sa kamay ng kaniyang amo na nangyari dito mismo sa Pilipinas. Ang biktima, nakatikim daw ng mga sipa, itinali, tinusok ng tinidor at dinuraan.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Michelle Lobos, 25, na dating namasukan sa isang mag-asawa sa lungsod ng Parañaque.

Sa isang video sa Facebook, inilahad ni Michelle kung paano siya sinaktan ng kaniyang mga dating amo na pitong taon niyang pinagsilbihan.

"Sinasabunutan po ako, sinasampal. Minsan nga po dinuraan pa niya ko habang kinakabayuhan. Kinalmot-kalmot sa mukha, ginanon [tinusok] ng tinidor hanggang sa tenga," kuwento ni Michelle. 

Makikita rin sa nasabing video ang mga sugat sa braso ni Michelle: "Sa kutsilyo po dahil sinalag ko po. Hindi ko po naisara 'yung gripo nang maigi. Dapat daw 'di ko sinasalag 'pag pinapalo po ako sa puwet, hayaan ko lang daw po. Sinasalag ko daw po kasi."

Sa bisa ng subpoena mula sa National Bureau of Investigation, nakaalis si Michelle mula sa malupit niyang mga amo nito lang Hulyo. Sa kabila nito, sariwa pa rin daw sa kaniyang ala-ala ang hirap na dinanas.

"Hindi po siya [amo] puwedeng matulog hangga't hindi pa niya ako natatali. Hindi pa ko tapos maglaba, ginawa niya po sa sobrang galit niya po sinipa-sipa niya po ako sa ulo," sabi ni Michelle.

Ibinahagi rin niya na itinatali rin daw siya noon ng kaniyang amo upang hindi siya makatakas.

"Isa lang po 'yun 'yung posas lang po, kakabit lang po doon sa bakal. Sabi po ng babae 'yung amo ko makakawala daw po ako kaya dapat dalawa daw," kuwento pa ni Michelle.

"Wala na rin po akong anong kumain at saka uminom kasi iniisip ko po nakatali ako eh, baka madumi ako o maihi po ako," dagdag niya.

Nabanggit din ni Michelle na sa unang dalawang taon lamang daw siya pinasahod ng kaniyang amo. Hindi raw siya makapagreklamo dahil pagbabanta ng mga amo.

"Minsan naisip ko pong magpakamatay or minsan inisip kong saksakin ko po siya habang natutulog. Pero parang may nagpipigil po sa akin. Hindi po ako napalo ng tatay o nanay ko, napapagalitan ako minsan pero di po kami ginanon ng nanay at tatay ko. Hanggang sa namatay ang nanay ko," sabi ni Michelle.

Nagsampa na ng reklamong illegal detention at physical abuse si Michelle laban sa kaniyang mga amo. Sa ngayon ay tumutuloy siya sa kaniyang tiyahin.

Nanindigan naman ang mga amo ni Michelle na malinis ang kanilang konsensiya tungkol sa mga alegasyon ng dating kasambahay laban sa kanila. -- FRJ, GMA News