Timbog ang isang Taguig City pulis sa isang buy-bust operation na ikinasa dahil na rin sa sumbong ng misis ng suspek.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita, sinabing ikinasa ang operasyon noong Miyerkoles ng mga pulis sa Bicutan matapos magsumbong ang misis ng suspek sa iligal na gawain ng kaniyang mister.

Kinilala ang suspek na pulis na si PO1 Jeffrey Amador, na nagpositibo rin sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Narekober mula kay Amador ang lima sachet ng shabu, isang baril, at drug paraphernalia.

Sinemonan si Amador ni Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde.

"'Yung NBI ni-refer sa 'tin 'yung kaso and we conducted entrapment operations. Nag-positive na nagtutulak 'yung asawa," pahayag ni Albayalde.

Ayon sa misis ni Amador, sinasaktan umano siya sa tuwing nag-aaway sila nang dahil sa bisyo ng kaniyang asawa.

Dating nakatalaga si Amador PCP 1 ng Taguig City.

Bukod sa iligal na droga, nasangkot din umano ang pulis sa kasong robbery at extortion.

"Very frustrating and disappointing kung bakit nakakapasok sa hanay," pahayag ni Albayalde.

Nahaharap si Amador ng mga kasong administratibo at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —LBG, GMA News