Posible umanong bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte at ilipat ang kapangyarihan kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos kapag nanalo ang electoral protest ng huli laban sa pagkapanalo ni Vice President Leni Robredo sa nakaraang 2016 elections, ayon sa Malacañang.

Ginawa ni presidential spokesperson Harry Roque ang pahayag isang araw matapos sabihin ni Duterte na nais niyang katulad nina Senador Francis Escudero at Marcos ang papalit sa kaniya kapag siya ay nagbitiw.

“He [Duterte] has said that he thinks Senator Bongbong is one of the better qualified leader(s) to succeed him and if there’s development and he will win the protest and he becomes vice president, yes he will make true his word,” sabi ni Roque sa pulong balitaan nitong Huwebes.

“That’s a conclusion that you can make because he says he’s willing to step down except that he does not think the constitutional successor is qualified,” patungkol ni Roque kay Robredo.

Hanggang 2022 pa ang termino ni Duterte bilang pangulo. Sa ilalim ng Saligang Batas, kapag hindi na kaya ng pangulo na pamunuan ang bansa at nagbitiw, ang bise presidente ang papalit sa kaniyang puwesto.

Kasama rin sa listahan na maaaring humalili sa kapangyarihan sa Palasyo ang Senate President kung hindi rin puwede ang bise presidente. Nakasunod naman sa listahan ang House Speaker at Chief Justice ng Supreme Court.

Sa isang talumpati ni Duterte sa Malacañang nitong Martes, inihayag ng pangulo ang hinanakit dahil patuloy pa rin umano ang katiwalian sa gobyerno.

Iniisip umano niya na magbitiw na pero hindi niya nais na si Robredo ang humalili sa kaniya dahil sa paniwalang hindi kakayanin ng bise presidente ang mga problema ng bayan.

Maliban sa pagbanggit na nais niyang humalili sa kaniya ang katulad nina Escudero at Marcos, sinabi ni Duterte na mas pabor siya na magkaroon ng military junta na mamahala sa bansa kapag nagbitiw siya sa Palasyo.—  FRJ, GMA News