Nakumpiska sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mahigit P37 milyong halaga ng shabu at ecstasy na isinilid sa ilang mga gamit tulad ng baby carrier, camera at laruan.

Ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, mahigit limang kilo ng shabu ang inilagay sa baby carrier, camera, magazine at bar stool habang ang mahigit isang libong piraso ng ecstasy na galing Germany naman ay inilagay sa mga laruang kahoy.

Batay sa imbestigaston, tinangkang ipasok ang kontrabando sa Pilipinas mula Amerika at ipadadala sana sa New Zealand.

"Lahat ho ito is because of the profiling methods of our frontliners," sabi ni Carmelita Talusan, district collector sa NAIA.

Nai-turn over na nitong Huwebes ng Bureau of Customs (BOC) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang ng nakumpiskang droga.

Si PDEA-National Capital Region director Joel Plaza ang kumatawan sa seremonya habang nakabakasyon si PDEA director general Aaron Aquino.

On-leave ang hepe ng PDEA habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon sa P6.8 billion halagang shabu na sinasabing naipuslit sa bansa.

Sa turn-over ceremony, muling iginiit ni Customs Commissioner Isidro Lapeña na walang umano'y isang toneladang shabu na laman ang mga sinasabing inoperate na lifters.

"Ako, I am saying na it's empty and even the President said that. May sinasabi ang PDEA na pinaupuan pero ang basis naman ng Customs is that there's a result ng qualitative examination," sabi ni Lapeña.

Sa ngalan ng PDEA, sinabi naman ni Plaza,"We will just wait for the investigation on that matter. It is not on my level to comment about that issue."

Isinailalim naman ng Customs sa portable x-ray ang dalawang magnetic lifter upang ipakita raw na iba-ibang produkto ang inilalagay sa mga into.

Paalala ni BOC spokesperson Erastus Austria, "Hindi lahat ng magnetic lifter na dumadating sa bansa natin ay ginagamit nha lalagyan ng droga." —NB, GMA News