Patay ang isang lalaking umano'y sangkot sa iligal na droga at gun-for-hire din ng mga kapwa drug pushers matapos umano itong manlaban sa mga pulis sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang napatay na suspek na si Nestor Samson.

Sinubukang pigilan ng pulisya ang kaniyang panlalaban, ngunit nakabunot pa rin ng baril at nagpaputok ang suspek.

Dahil dito, nabaril at napatay siya ng mga operatiba.

Dati nang sumuko sa Oplan Tokhang si Samson pero nagpatuloy pa rin siya iligal na gawain.

Pinapatay umano ni Samson ang mga kapwa tulak na hindi nakakapagbigay ng perang pinagbentahan ng droga. —Jamil Santos/LBG, GMA News