Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes na hindi tuloy ang lubos na pagpapatupad ng kautusan na bawal sa EDSA ang mga sasakyan na isa lang ang sakay tuwing "rush hours" na magsisimula dapat sa Agosto 23.

"Yung August 23 na full implementation na may penalty na, mag-status quo muna tayo kasi hinihintay na mag-convene ang MMC," pahayag ni MMDA General Manager Jojo Garcia patungkol sa Metro Manila Council na binubuo ng mga alkalde sa Metro Manila.

Gayunman, sinabi ni Garcia na tuloy ang isinasagawang dry run na nagsimula nitong Miyerkules.

"Magme-meeting kami with all the mayors on August 23 or 24. So habang hindi pa po kami nagko-convene tuloy pa rin ang dry-run," paliwanag niya.

Ginawa ni Garcia ang pahayag ilang araw matapos maghain ng resolusyon ang ilang senador sa pangunguna nina Senate President Vicente Sotto III, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate Pro-Tempore Ralph Recto, at  Minority Leader Franklin Drilon, na humihiling sa MMC na bawiin ang kautusan na nagbabawal sa mga sasakyan na isa lang ang sakay na dumaan sa EDSA sa rush hours.

Sa ilalim ng kautusan, magmumulta ng P1,000 ang mga motoristang mahuhuling lalabag kapag lubos na itong ipinatupad.

Ayon kay Garcia, iginagalang nila ang ginawa ng Senado.

"Nirerespeto natin ang Senate... open naman ang MMDA at ang Council na i-improve kung puwedeng may idagdag o ibawas sa guidelines. But still we need to do something," saad niya.

"The reason why we are doing this is hindi para pahirapan ang ating mga kababayan, we are doing this while waiting for the long-term solution," patuloy ni Garcia.

Ipinaliwanag din ni Garcia na tanging ang MMC lang ang may kapangyarihan na ipatigil ang naturang kautusan.

"Ang MMDA po ay walang power na ihinto dahil ito ay resolution na binubuo ng mayors. Ang makakapagpatigil at makakapagbago nito ay MMC rin, hindi MMDA," ayon sa opisyal.— FRJ, GMA News