Dahil sa lumalaking oportunidad para kumita ang mga kababaihan, dumadami na umano ang pamilya na nagpapalit ng tungkulin ang mag-asawa. Si misis ang kakayod at si mister naman ang magiging taong-bahay.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakilala si Jason Burdado na kabilang sa mga tinatawag ngayong "house husband."

Proud si Jason sa kasipagan ng kaniyang asawa, at hindi rin niya ikinakahiya na siya ang mga gumagawa ng mga gawain sa bahay.

"Paglalaba, nagluluto, pinapaliguan ang mga bata. Tapos 'yung mga sinampay nililigpit ko, pagdating sa gabi luto pa ulit," masaya niyang sabi.

Paliwanag ni Jason kung bakit siya ang naiiwan sa bahay at si misis ang kumakayod, "Malaki ang kinikita ni misis sa catering niya. Bale, one-one [P1,200.00]. Ang biyahe ko P700 lang. Ako kahit maabala ako okay lang basta sa kanya 'yung kita niya at saka ayaw ko siya mawalan ng trabaho."

Pero sa kultura ng mga Pinoy, hindi maiwasan na matawag na "under de saya" ang mga mister na gumagawa ng mga gawaing-bahay.

Paliwanag ni Professor Jimmuel Naval, sociologist, tungkol dito, "Kung ite-trace mo 'yan, ang concept na 'yan Judeo Christian. Kasi sinasabi sa bibliya, 'kayong mga babae magpasakop kayo sa inyong mga asawang lalaki.' Ibig sabihin, dominante ang lalaki. Parang kabawasan ng pagkalalaki ang pagiging under de saya."

Sabi sa ulat, dahil sa hirap ng buhay ngayon at galing ng mga kababaihan, natatanggap na ngayon ng mga mister na sila ang maging maybahay para makapagtrabaho si misis.

"Hindi na talaga sapat eh, 'yung minimum na kita ng isang ama ng isang padre de pamilya sa gastusin sa bahay," sabi ng isang house hudband.

"'Yung lalaki kasi sa ngayon sa siyudad mas marami walang trabaho.  'Yung babae kasi madali humanap ng trabaho," sabi naman ng isa pa.

Base umano sa isang pag-aaral ng Oxfam, isang global non-profit organization na nakatuon ang atensyon sa paglutas ng kahirapan sa bansa sa mga mahihirap na lugar, sinasabing umaabot sa apat at kalahati hanggang anim at kalahating oras ang ginugugol ng mga babae sa mga gawaing bahay.

Samantala, 11 hanggang 12 oras naman sa pag-aalaga sa mga bata. Kung ilang bahagi lang umano ng mga oras na ito mapupunta sa pagtatrabaho ni misis, malaki maitutulong niya para maiahon ang kanilang pamilya sa kahirapan.

"Grabe ang kompetisyon sa mundo ngayon. Mabilis ang kilos, ang galaw, hindi puwedeng isa lang ang nagtatrabaho. Hindi ka makakausad ang daming bayarin ang daming dapat bilhin,"sabi ni Naval.

Kaya naman si Burdado, dedma na raw sa mga nangangantiyaw sa kaniyang pagiging house husband.

"Pagdating ng asawa ko pahinga na siya, wala na siyang gagawin, hinihilot ko pa siya. "Yun ang tunay na lalaki, macho," pagmamalaki niya.-- FRJ, GMA News