Pinakawalan na ng pulisya nitong Biyernes ng gabi ang tatlong abogado ng isang bar sa Makati City, na sinalakay ng mga awtoridad na may nakuha umanong mga ecstasy, cocaine, marijuana at iba pang ilegal na droga.

Kinilala ang mga pinakawalan na mga abogado na sina Leni Rocel Elmido Rocha, Jan Vincent Sambrano Soliven at Romulo Bernard Alarcon.

Batay sa release order ni Atty. Romel Odronia, Senior Assistant City Prosecutor sa Makati, pinalaya ang tatlo pero pinababalik sa piskalya sa Agosto 28 at Setyembre 4 para sa preliminary investigation.

Ayon kay Ordonia, kailangang linawin ang alegasyon ng pulisya na nakialam at naging sagabal ang tatlo sa paggalugad ng Makati Police sa Time Bar nitong Huwebes ng umaga.

Kailangan pa rin umanong imbestigahan ang isa sa apat na reklamo ng pulisya na "constructive possession" ng ilegal na droga laban sa tatlong abogado.

Bitbit ang search warrant,  balikan ng Makati Police dakong 12:30 ng tanghali nitong Huwebes ang Time Bar na follow up sa naunang nilang pagsalakay sa establisimyento noong Agosto 11 kung saan nakakumpiska umano ng ibat ibang uri ng ilegal na droga.

Pero nakialam umano ang tatlong abogado sa ginawang paghahalughog ng mga awtoridad sa bar. Tumanggi umano ang tatlo na magpakita ng ID at hindi nagpakita ng katibayan na abogado sila ng may- ari ng bar.

Sa kabila umano ng babala, naging agresibo rin umano ang mga abogado sa mga pulis kaya sila inaresto at ikinulong.

Sa isang ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News Saksi, sinabing naunang ipinaliwanag ng opisyal ng law firm kung saan nagtratrabaho ang mga abogado, nasa bar ang tatlo para i-monitor ang pagsisilbi ng search warrant.

Nagpakilala rin umano ang tatlo na abogado sila ng may-ari ng bar at ipinadala ng firm para kumuha ng mga note at litrato ng pagbubukas sa isang cabinet na noon pa lang hahalughugin.

Kaugnay nang nangyari, umalma ang Integrated Bar of the Philippines (IBP),ang grupo kung saan nakapailalim lahat ng mga abogado sa Pilipinas, sa ginawang pag-aresto sa tatlo.

Mismo ang grupo ang naghain ng petition for a writ of habeas corpus para mapakawalan ang tatlo mula sa umano'y kuwestiyonable pag-aresto sa mga ito.

Naniniwala ang IBP, na ginagawa lang ng tatlong abogado ang kanilang trabaho na idepensa ang karapatan ng kanilang kliyente. -- FRJ, GMA News