Isang lalaki ang inaresto ng mga awtoridad nitong Huwebes ng gabi sa Wao, Lanao del Sur matapos ang isang buy-bust operation.

Nakilala ang suspek na si Darius Pornea Petros, 32, na taga-Barangay Eastern sa Wao, ayon kay Police Senior Inspector Jemar delos Santos, public information officer ng Philippine National Police-Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Isang poseur-buyer ang bumili ng shabu sa suspek at nang maiabot nitong huli ang isang plastic sachet na may hinihinalang shabu, kaagad na siyang inaresto ng mga operatiba ng Wao Municipal Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency.

Narekober mula sa suspek ang isang coin purse na itim na may nilalamang dalawang sachet na may lamang hinihinalang shabu, drug paraphernalia, at P500 buy-bust na pera.

Nasa kustodiya na ng Wao Police ang suspek para sa karagdagang imbestigasyon. â€”Merlyn Manos/KG, GMA News