Tinatayang P3.4 million halaga ng shabu ang nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency sa kanilang operasyon sa Parañaque City nitong Biyernes ng gabi, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa "Balitanghali" nitong Sabado.

Sa ikinasang buy-bust sa loob ng isang pribadong subdivision, naaresto ang suspek na si Arnel Sabal na mula Cotabato ngunit nakatakas daw ang kasabwat nitong nakilala lamang bilang "Oscar."

Halos kalahating kilo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga raw ng P3.4 million ang na-rekober ng mga operatiba ng PDEA.

Ayon kay PDEA National Capital Region director Joel Plaza, si Sabal ay isang big-time at high-value target.

"Sa palagay ko, sa na-seize natin, talaga namang big time 'yan. Kung mga sachet-sachet lang kasi, street level lang. Maliit lang 'yun... Kaya isa na 'to sa mga high-value target," sabi nito.

Itinanggi naman ito ng suspek.

Giit ni Sabal, "Hindi ko alam na magbebenta sila ng shabu. Kung alam ko, hindi na ako pupunta."

Inihanda na ng PDEA ang kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act na ihahain laban kay Sabal, kasama ang kasabwat niyang nakatakas. — MDM, GMA News