Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang  P1.96 million halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Cecille Villarosa nitong Sabado sa "Balitanghali," sinabing nasabat ng mga pulis ang halos kalahating kilo o 490 gramo ng hinihinalang shabu mula sa apat na naarestong umano'y mga tulak ng droga.

Nahaharap ang mga suspek na sina Paco Morsid, Abdulla Samir, Datukaka Ton Ton, at Pasawilan Ebrahim sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Samantala, sinalakay din ng special operations unit ng Eastern Police District (EPD) ang isang bahay ng isang high-value target sa Barangay Palatiw sa Pasig City.

Pahayag ng mga pulis, sa naturang lugar talamak umano ang bentahan iligal na droga. Naaresto si Efren Sulit, na sumuko na dati sa ilalim ng Oplan Tokhang noong 2016.

Maliban sa 38 sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu (na may street value na P25,000) at ilang drug paraphernalia, nasamsam din mula sa bahay ng suspek ang dalawang kalibre .38 na revolver, isang Uzi machine pistol at mga magazine.

Mahaharap si Sulit sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Comprehensive Law on Firearms.

Inamin ng suspek na dati siyang drug surrenderer, ngunit itinanggi niyang sa kanya ang droga at baril na nahanap ng mga awtoridad.

Paliwanag ng suspek, "Hindi ko po alam 'yan. Andun po mga anak ko, maliliit pa. Du'n pa nilagay sa damitan ng mga anak ko."

Dagdag niya, "Hindi po akin 'yan. Du'n po sa customer ko 'yan. Binigay niya po dun. Iniwanan. Ginagawa ko 'yung motor. Andun pa po 'yung motor niya."

Ngunit ayon sa EPD, nagsagawa sila ng masusing surveillance operation sa suspek na isang mekaniko ng motorsiklo bago pa ikinasa ang operasyon.

"Definitely, delikado 'yan kasi hindi lang naman siya nagbebenta, gumagamit din siya. At the same time, meron siyang possession ng firearms. Eh delikado pag nagsama 'yung drugs and firearms," sabi ni Senior Superindendent Bernabe Balba, director ng EPD. —Margaret Claire Layug/LBG, GMA News