Arestado ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga at isang TNVS driver sa buy bust operation na ikinasa ng mga pulis sa Quezon City.

Kinilala ang mga naaresto na sina Marvin Bunuan na hinihinalang tulak at Kevin Michael Villarta na TNVS driver.

Ayon kay Chief Inspector Melchor Rosales, deputy commander ng Quezon City Police District-Station 10, nasamsam sa operasyon ang 11 sachet ng hinihinalang shabu at isang pipe tube na may laman pang hinihinalang marijuana.

Target umano sa buy-bust si Bunuan, 22, na hinihinalang tulak.

Tiyempo naman sa gitna ng transaksyon, bumili rin ang Grab driver na si Villarta.

Halos hindi naman makapagsalita si Bunuan nang tanungin kung kanya ba ang mga nasamsam na pinaniniwalaang droga.

Pero itinanggi niya na siya ay nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.

Inamin naman si Villarta na gumagamit siya ng droga, pero hindi raw sa kanya ang apat na sachet ng hinihinalang shabu.

Kamakailan lamang, isa ring TNVS driver ang nahuli sa anti-drug operation ng QCPD. —KG, GMA News