Napatay ang isang hinihinalang tulak ng droga matapos umano niyang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Palatiw, lungsod ng Pasig.

Sa ulat ni Cecille Villarosa sa Balitanghali nitong Linggo, kinilala ang suspek bilang si alyas Carlo.

Ayon sa ulat, nabilhan raw ng mga pulis ng shabu na nagkakahalaga ng P200 ang suspek subalit nang makatunog na mga alagad ng batas ang kaniyang ka-transaksyon, nagpaputok raw ito ng baril.

"Upon sensing nu'ng mga suspect natin na magbebenta ng droga ay pinutukan nila ang ating operatiba kaya napilitang gumanti ang ating operatiba," sabi ni Senior Superintendent Rizalito Gapas, acting chief of police ng Pasig City.

Tinangka pa raw ni Carlo na tumalon sa Parian Creek subalit hindi na ito nakalayo pa dahil sa tinamong sugat dahil sa tama ng bala.

Naisugod pa ang suspek sa ospital subalit agad na rin itong binawian ng buhay.

Narekober sa kaniya ang limang sachet ng hininalang shabu at isang kalibre .45 na baril.

Nakatakas naman ang isa pang kasama ng suspek na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan. —Anna Felicia Bajo/KG, GMA News