Dead on the spot ang isang lalaking bumili lang ng kape at sigarilyo matapos pagbabarilin sa Phase 3 sa Bagong Silang, North Caloocan, nitong Linggo ng gabi.

Mga tama ng bala sa ulo at katawan ang tinamo ng 50–anyos na biktimang si Edward Vallente, isang construction worker.

Kuwento ng mga residente, nakarinig na lang sila ng hindi bababa sa anim na putok ng baril.

“Bumili lang po siya ng kape tapos sigarilyo, dalawang stick, tapos umuwi na siya. Wala pang five minutes nakarinig ako ng putok,” anang residenteng si Philip Dacdac.

Wala naman sa kanila ang makapagsabi kung sino ang nasa likod ng pamamaril.

Emosyonal ang anak ng biktima dahil hindi nila alam ang posibleng motibo sa krimen.

“Natutulog po kami kanina. Narinig namin bigla na lang may pumutok pero hindi po namin alam na siya po pala ‘yun kaya nagulat po kami. Wala naman po siyang kaaway nasa bahay nga lang po siya,” anang panganay na anak ng biktima.

Hiling ng pamilya ng biktima na sana ay makonsensya ang suspek.

Ayon sa mga kaanak, gumagamit ng iligal na droga si Vallente pero imposible raw na ito ang dahilan sa pagpatay sa kanya.

“Aminado naman po kami na gumagamit siya kaso hindi po namin alam kung yung madalas ba o hindi pero hindi naman po namin itinatanggi yun,” dagdag ng anak ng biktima.

Nakuha ng SOCO ang ilang basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen. —KBK, GMA News