Tinatayang nasa 15 kilo ng umano’y marijuana ang nasabat ng mga pulis sa ikinasang buy-bust operation sa Balintawak, Quezon City nitong Lunes ng madaling araw.

Sa loob ng AUV nakasakay ang mga target ng operasyon nang makatransaksiyon ng pulis na nagpanggap na buyer sa A. Bonifacio Avenue ala una y media ng umaga.

Limang kilo ng marijuana ang nabili sa halagang P100,000.

Pero nang aarestuhin na ang mga target, biglang humarurot ang sasakyan hanggang sa ma-corner sa Mayon Street.

Binangga pa ng mga suspek ang sasakyan ng operatiba.

Arestado ang tulak umano ng marijuana na si Francis Marie Nepomuceno at driver na si Michael Gontinias.

Nakuhanan din umano ng marijuana si Mhikael Divinagracia kaya siya inaresto.

 

 

Nakuha pa sa sasakyan ang 10 kilo ng umano’y marijuana.

Sa kabuuan, may street value ang nakumpiskang ilegal na droga na P275,000.

“Itong marijuana na ito, nanggagaling sa area ng Baguio at nanggagaling din sa Nueva Ecija. At itong mga taong ito, sila 'yung nagbebenta ng marijuana dito sa area ng Metro Manila,” ani Superintendent Robert Sales, hepe ng La Loma Police Station.

Galing ang mga suspek sa Kalinga at kababalik lang sa Metro Manila nang mangyari ang transaksiyon.

“Malaki 'yung operation nila kasi ito, dalawang buwan na itong sinusubaybayan ng mga operatiba ng ating Regional Drug Enforcement Unit ng NCRPO [National Capital Region Police Office],” dagdag pa ni Sales.

Depensa ni Nepomuceno, hindi siya tulak pero aminado siyang kumikita ng P1,000 sa bawat transaksiyon.

“Hindi ko po binebenta 'yun, sir. Porter lang po ako. Ako lang po magbibitbit tapos ibaba du'n sa tao nila. Pero hindi naman 'yan 'yung lagi-lagi. Dalawang beses pa lang ako nagganyan, sir,” ani Nepomuceno.

Ang dalawa pang suspek ay iginiit na nadamay lang sila.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —KG, GMA News