Sugatan ang tatlong tao kabilang ang dalawang bata at isang college student sa hit and run na nangyari sa Roxas Boulevard malapit sa kanto ng Pedro Gil sa Maynila pasado ala una ng madaling araw nitong Lunes.

Ayon sa isang testigo, nabundol ang tatlo ng isang puting AUV.

Pero sa halip na huminto, nagdire-diretso lang ang nakabundol na sasakyan.

Duguang humandusay sa kalsada ang biktimang lalaki na college student.

Rumesponde sa insidente ang dalawang ambulansya ng Philippine Red Cross.

Ayon sa rescue team ng Red Cross, minor injury ang tinamo ng dalawang bata at hindi na kailangan pang dalhin sa ospital matapos nilang lapatan ng first aid.

Patuloy namang ginagamot ang college student na dinala sa Ospital ng Maynila.

Iimbestigahan naman ng pulisya kung sino ang nakabundol sa mga biktima.

Kukunin umano nila ang CCTV footage ng pangyayari mula sa Manila City Hall. —KG, GMA News