Patay ang isang lalaki na umano’y holdaper matapos maka-engkuwentro ng mga pulis sa Phase 3, Bagong Silang, North Caloocan nitong Lunes ng gabi.

Nakilala lang sa alyas na Jepoy ang suspek.

 

 

Kwento ng magkaibigang biktima, pauwi na sila galing sa isang birthday party at naglalakad sa eskinita nang holdapin ng suspek.

Tinutukan sila ng baril at kinuha ang kanilang mga cellphone at pera.

Pero hindi pa nakuntento ang suspek. Pinagsamantalahan pa niya ang 20-anyos na babaeng biktima.

Hindi na siya natulungan ng kaibigang lalaki dahil nakatutok sa kanya ang baril.

Ikinasa ang follow-up operation ng mga pulis matapos dumulog sa kanila ang mga biktima.

Pero nang makita ang suspek at makilala base sa suot, sisitahin na sana siya ng mga awtoridad nang bigla umano siyang bumunot ng baril.

Positibong kinilala ng mga biktima ang suspek na siyang nangholdap sa kanila.

Nakuha ng SOCO ang ilang basyo ng bala at isang baril. —KG, GMA News