Dead on the spot ang isang tulak umano ng shabu matapos maka-engkwentro ng mga pulis sa buy-bust operation sa Brgy. Santol sa Balagtas, Bulacan.

P500 halaga ng shabu ang binili ng operatiba sa target ng operasyon na si alias Boy.

Nangyari ang transaksyon sa pagitan ng palayan.

Pero nang magkaabutan na ng item at pera, nakatunog umano ang suspek na pulis ang katransaksyon niya. Bumunot umano siya ng baril at nagpaputok dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis.

Nakatakas naman ang hindi nakilalang kasamahan ng suspek sakay ng motorsiklo.

Ayon sa pulisya, residente ng Malolos si alias Boy at dumarayo sa Balagtas para magtulak ng shabu.

Ilan daw sa kanyang parokyano ay mga nagtatrabaho sa bigasan.

Nakuha ng SOCO mula sa suspek ang walong sachets ng hinihinalang shabu at isang calibre .22. —KBK, GMA News