Hindi napigilan ng ama ng nasawing college student na nabiktima ng hit-and-run sa Roxas Boulevard sa Maynila ang kaniyang galit nang makaharap at komprontahin ang suspek na Chinese na nakakulong sa selda.

Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, makikitang inaawat ang amang si Erwin Tan, na nagpupuyos sa galit sa presinto ng MPD-Traffic Enforcement Unit habang hinaharap ang suspek na si Victor Wai Ki Kung.

Lumalabas na si Kung ang nagmamaneho ng AUV na may plakang TQR 245 na nakasagasa sa biktimang si Jeremiah Erwin Tan.

Pumanaw si Jeremiah nitong Lunes habang naka-confine sa Jose Reyes Memorial Medical Center.

Dinakip ang suspek sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, na nakatakda sanang lumipad noon patungong Hong Kong.

"He was scheduled heading back to Hong Kong at 3:50 p.m. on August 20," sabi ni Senior Inspector Jonar Cardozo, hepe ng Vehicular Investigation Section, MPD-Traffic.

Depensa naman ni Kung, hindi niya napansin na mayroon siyang nasagasaan nang madaling araw dahil malakas ang ulan.

Ayon pa sa kaniya, patungo siya ng Hong Kong para magpakonsulta sa doktor.

"I don't know what happened, I don't need to explain," sabi ng suspek.

Hustisya ang sigaw ng ng pamilya ng biktima para kay Jeremiah, na isang iskolar ng kursong accountancy sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

"Sobrang hirap po sa pamilya ko, kahit po sa akin. Gusto ko po makulong po 'yan sir," sabi ni Jerico Tan, kapatid ng biktima.

Inihahain na ng mga awtoridad ang kasong isasampa laban kay Kung, at nakikipag-ugnayan na rin ang MPD sa pamilya ng dalawa pang batang nasugatan na nabangga rin ng suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News