Arestado ang isang dating flight attendant sa Quezon City matapos siyang magpadala ng bomb threat sa isang airline company sa pamamagitan ng e-mail.

Sa ulat ni Jaime Santos sa GMA News "Balitanghali Weekend" nitong Sabado, kinilala ang suspek na si Janette Alano Tulagan na dinakip sa Barangay Holy Spirit.

Sinabi ng Philippine National Police Anti-Crime Cybercrime Group na natanggap nila ang reklamo ng airline company noong Hulyo kung saan nagpadala raw ang babae ng e-mail na may nakasulat na: "ALL FLIGHTS MANILA TO KUALA LUMPUR WILL HAVE A BOMB ON BOARD ON JULY 13."

Dahil dito, nakipagtulungan ang pulisya sa United States Department of Justice upang ma-trace ang web services provider na ginamit ng sender.

"On the same day, Yahoo replied and provided us with the details on the specific IP address and cellphone number used by the person who created the account," ayon kay Chief Inspector Artemio Cinco Jr, spokesperson, PNP Anti-Cybercrime Group.

Lumabas na cellphone at mobile number ni Tulagan ang ginamit para mapadala ang e-mail.

"'Yung motive as of now hindi pa namin masabi kasi under investigation pa namin kung bakit nag-send itong ating suspect ng ganitong klaseng e-mail," ayon pa kay Cinco.

Dahil sa bomb threat, dinagdagan ng airline ang kanilang security measures.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek, na panay ang iwas sa camera.

Mahaharap siya sa reklamong paglabag sa Presidential Decree Number 1727 o ang Anti-Bomb Joke Law. — Jamil Santos/MDM, GMA News