Walong saksak ang tinamo ng isang babae mula sa kaniyang dating kinakasama na patay na patay pa rin sa kaniya at gustong makipagbalikan sa Maynila.

Sakabila ng mga tinamong saksak sa kamay, likod, braso at mukha, himalang nakaligtas ang biktima sa krimen na nangyari sa Quiapo, Maynila.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, makikita sa CCTV ang biktima na nakaupo nang biglang lapitan at undayan ng saksak ng suspek na si NiƱo Linsangan.

"Lumapit siya. Nakikipagbalikan sa akin," sabi ng biktima.

Ayon sa biktima, tumanggi siyang makipagbalikan na kay Linsangan kahit pa sinabi nito na mahal na mahal pa rin siya.

"Bigla po siyang tumayo tapos sinabihan n'ya akong oras ko na. Pagbalik niya bigla niya po akong pinagsasaksak," patuloy ng biktima.

Nakatakbo naman si Kim pero sinundan pa rin siya ni Lansangan.

Naniniwala ang biktima na gusto talaga siyang patayin ng dating nobyo dahil patuloy ang ginawang pananakit sa kaniya kahit nagmamakaawa na siya hanggang sa bumagsak siya at saka tumakas ang suspek.

Ayon sa barangay kagawad na si Jay Dowell, nakita nila ang duguang biktima na kaagad nilang dinala sa ospital.

Hindi naman nila naabutan ang suspek na sumakay sa jeep nang tumakas.

Pinaghahanap na ngayon ang suspek na kasama umano sa drug watchlist at dati na ring nasangkot sa pambubugbog. --FRJ, GMA News