Lumabas sa social media ang ilan pang video na makikita ang ilang kabataan na nanlilimos sa mga pampasaherong sasakyan pero pilit na kinukuha ang gamit ang ilang biktima sa Macapagal Avenue sa Pasay City.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing ang mga bagong video ay kuha mismo sa loob ng jeep na pinasok ng mga bata.

Madidinig sa video na nagbabanta pa ang mga bata sa pasahero na kanilang inaagawan ng gamit at sinaktan.

Ayon sa uploader ng mga video, nagulat sila nang biglang umaray ang isa sa mga batang pasahero nung huminto ang kanilang sinasakyan.

Mula sa labas, sinubukan umanong hablutin ng isa sa mga batang kalsada ang pagkaing dala ng batang pasahero. Nang hindi nakuha, pumasok ang mga bata sa jeep at saka sapilitang kinukuha ang pagkain pero hindi ibinigay ng pasahero.

Dahil dito, sinabutan at sinuntok ng mga batang lansangan ang pasahero, pati ang iba pa niyang kasama.

Nandura at nagsaboy pa sila ng softdrinks sa loob ng jeep.

Dahil sa takot, napaiyak na lang mga batang pasahero.

Sabi ng uploader, gusto sana nilang tulungan ang bata pero sinabihan sila ng jeepney driver na huwag nang makialam dahil baka mas dumugin pa sila.

Nahuli na umano ang lima sa mga batang pasaway. -- FRJ, GMA News