Binatikos ng Philippine Federation of the Deaf ang umano'y pang-iisulto nina Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson at kasama niyang blogger dahil sa video na ginawa raw katatawanan ang sign language na ginagamit na paraan sa komunikasyon ng mga may kapansanan sa pandinig. Ang dalawa, humingi naman ng paumanhin.



Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang bahagi ng video post ni Uson na tila nagsa-sign language ang videoblogger na si Drew Olivar.

Pero ayon kay Carolyn Dagani, presidente ng PFD na mayroong 55 deaf organizations sa bansa, wala naman ibig sabihin ang ginagawa ni Olivar at tila may kasama pa umanong kabastusan.

"They were making fun of our sign language. And then they were using gestures that were very, bastos na sex na nga 'yung ibang mga … sexual in nature 'yung ibang mga sina-sign nila. Tinawag na parang unggoy tapos making sounds. You know that's the deaf voice, that's our voice and they shouldn't make fun of that,"  ani Dagani, galit ang philippine federation of the deaf, grupo na binibuo ng 55 deaf organizations sa bansa.

Para naman kay Henry Perey, secretary, PFD, ang naturang video nina Uson ay nagbalik umano sa kaniyang alaala nang pang-iinsulto na naranasan noong bata siya.

"It was very insulting. I've experienced dati 'no, nu'ng bata ako, growing up . We would talk to each other in the jeep through sign language tapos may mga tao na, lolokohin kami, they would make fun of our signing," saad niya.

Magpupulong daw ang grupo para pag-usapan kung ano ang hakbang na kanilang gagawin dahil may batas na nilabag sina Uson, partikular na ang Magna Carta for Persons With Disability.

Sa naturang batas, nakasaad sa Section. 39 na ipinagbabawal na gawing katatawanan, gayahin o kutyain sa pamamagitan ng panulat, salita o aksiyon ang mga person with disability.

Ang mapapatunayang nagkasala, maaarung pagmultahin nang hindi bababa sa P50,000 hanggang P100,000 o pagkakakulong na hindi bababa sa anim na buwan pero hindi sobra sa dalawang taon para sa unang paglabag.

Sa ikalawang paglabag, puwedeng multahan ng P100,000 hanggang P200,000 at pagkakakulong ng mula dalawang taon hanggang anim na taon.

"As a government official she should know that, 'di ba? that she did a violation to a particular law," sabi ni Perey.

Sa magkahiwalay na video post, kapwa humingi ng paumanhin sina Uson at Olivar sa kanilang ginawa.

"Humingi na po ng paumanhin si Andrew Olivar sa kaniyang pag-sign language na may pabiro. Gayunpaman, I take full responsibility sa ginawa ng aking radio show partner at kaibigan. Kaya po sa ating mga kapatid sa deaf community nawa’y tanggapin niyo po ang aking sorry. Please forgive me," sabi ni Uson.
 
Pero para kay Dagani, hindi sapat kahit mag-sorry si Uson.

"Kasi sorry, tapos uulitin tapos, so-sorry lang ulit tapos uulitin na naman,"  ayon kay Dagani. -- FRJ, GMA News