Bumuhos ang matinding emosyon nang makita na ang mga labi ng dalawang bata na nalunod sa Tullahan River sa Valenzuela City.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing unang lumutang ang bangkay ni Jillian Salud, 10-anyos, dakong 2:00 am.

Pagkaraan ng mahigit isang oras, ang bangkay naman ni Kerby Tejadilla, 10-anyos, ang nakita ng mga miyembro ng search and retrieval operation.

Labis ang pighati ng mga magulang nang dalawa bata nang kilalanin nila ang mga labi ng kani-kanilang mga anak.

Hinanap ang mga bata mula pa noong Linggo ng hapon matapos silang tangayin ng malakas na agos ng tubig habang naglalaro sa ilog.

Patuloy pang hinahanap ang isa pang biktima na si Rheniel Tejadilla.-- FRJ, GMA News