Ikinuwento ng dalawang nakaligtas sa landslide ang trahediyang kanilang sinapit sa Itogon, Benguet. Nakaligtas man sila sa kamatayan, nagdadalamhati pa rin sila dahil sa pagkasawi ng mga mahal sa buhay at mga kaibigan.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sariwa pa sa alaala ni Nestor Gabino, ang mga huling salita ng kaniyang 14-anyos na anak na si Hyacinth, na kasama niyang natabunan ng lupa noong Sabado.

"'Yung tubig talagang malakas ang tubig. Nu'ng una mga bato saka 'yung susunod mga lupa," ayon kay Nestor.

Nailigtas si Nestor ng mga rumespondeng backhoe operators ng Benguet corporation. Nakuha rin ang kaniyang anak na si Hyacinth pero binawian din ng buhay sa ospital.

Kinabukasan, nakuha naman ang labi ng asawa niyang si Narcisa.

Utang na loob daw ni Nestor ang kaniyang buhay kina Ranier Baldazan at sa mga kasama niyang backhoe operator.

Ang tinutukoy ni Nestor na si Ranier, kasama rin sa nanganib ang buhay nang matabunan nang isa pang landslide habang sinasagip nila ang pamilya Gabino.

Ayon kay Ranier, 12 backhoe operators ang naghuhukay nang sandaling iyon nang mangyari ang hindi nila inaasahan na pagguho ng lupa.

"Last na nakita ko sila na tumatakbo rin hanggang sa nahulog ako. Nauna 'yung ulo ko, sabi ko 'mamamatay na 'ata ako," kuwento niya.

Masuwerteng nasa itaas lang ang inooperate ni ranier na backhoe at hindi siya lubos na natabunan ng putik.

"Nagsisigaw ako ng tulong, walang nakakarinig nu'ng una hanggang sa nu'ng tinanggal ko na 'yung bato parang may nabiyak dito (sa dibdib). Parang nabiyak kaya hindi na ako nakapagsigaw. Tinanggal ko lang 'yung bota ko para mas magaan na makapaglakad. Doon nakapaglakad ako hanggang sa taas," patuloy niya.

Nang makaligtas, hindi niya inakala na halos naubos ang kanilang grupo habang nagre-rescue ng ibang kasamahang natabunan ng putik.

"Masakit din kasi oo nga nag-survive ako kaso nga 'yung mga kasamahan ko wala na rin," ani Ranier. "Sa tingin ko sa kanila, mga nagbuwis ng buhay, mga bayani."
Nagpapasalamat siya sa mga minero at rescuer na bumuhat sa kaniya ng ilang oras madala lang sa ospital. -- FRJ, GMA News