Patay ang isang drug pusher sa buy-bust operation sa Barangay Sto. Cristo, San Jose del Monte, Bulacan at kalaboso naman ang apat na iba pang aminadong drug pushers sa Navotas, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa "Unang Balita" nitong Miyekules.

Ayon sa ulat, napatay si alyas Ronnel, na nagbenta ng P500 halaga ng shabu sa operatiba.

Pinaputukan umano ng suspek ang mga pulis kaya siya binaril at napatay. Nakuha mula sa kanya ang isang kalibre .48 na baril, at 13 sachets ng hinihinalang shabu.

Nakatakas naman ang tatlong gumagamit ng shabu na kasama ng suspek, na suspek din sa ilang isidente ng pagnanakaw.

Sa Navotas naman, nahuli ang mag-asawang Jessica Ensinas at Ardolfo Gutierrez, kasama ang dalawang kinilalang sila Michael de Jesus at Jerald Munares sa isang buy-bust operation.

Aminado ang mga probinsyanong suspek na nagbebenta sila ng shabu dahil sa hirap ng buhay at kawalan ng trabaho.

Mahaharap ang mga suspek, na nakuhanan ng kalibre .38 at 9mm na baril, sa kasong paglabag ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearms. —Rie Takumi/LBG, GMA News