Pinayuhan ng isang obispo ang pamahalaan na gamitin sa tamang paraan ang remittances ng mga OFW.

Pahayag ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (ECMIP), "OFW remittances are great help not only to their families but much more for our economy. With their sacrifices they sustain the financial needs of their families and of our country."

Hinimok ng Obispo ang pamahalaan sa wastong paggamit ng pera ng bayan at ilaan sa mga proyektong makatutulong sa bawat mamamayan.

Pinaalalahanan din ng obispo ang pamilya ng mga OFW: "In gratitude to them we have to take care of their hard earned money. The money should be spent wisely, for the real needs of the family, especially for schooling and food on the table," pahayag ni Santos sa Radio Veritas nitong Miyerkoles.

Ito umano ay pagpapakita ng pagpapasalamat sa mga mahal sa buhay na nagsusumikap sa ibayong dagat para matustusan ang pangangailangan ng pamilya.

Hinamon ng Obispo ang pamilya ng mga O-F-W na isipin ang sakripisyo at paghihirap ng kanilang mahal sa buhay sa ibang bansa bago gastusin ang perang ipinapadala.

Sa pinakahuling tala, tinatayang may sampung milyon ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers sa iba't ibang bahagi ng daigdig.

Batay sa ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas tumaas ang personal remittances ng mga O-F-W sa buwan ng Hulyo na umabot sa $2.7 billion, mas mataas ng higit sa 4 na porsiyento kumpara noong 2017 sa kaparehong buwan.

Nilinaw ng BSP na ang ipinapadalang pera ng mga OFW ay nakatutulong sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas. At dahil dito, kinilala ni Bishop Santos ang malaking ambag ng mga OFW sa pag-unlad ng bansa.

Una nang kinilala ng Kaniyang Kabanalan Francisco ang mga OFW sa kaniyang pagbisita sa Pilipinas noong 2015 dahil sa malaking ambag nito sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng kanilang pagsusumikap sa maghanapbuhay sa ibang bansa. —LBG, GMA News