Patay ang dalawang umano'y akyat bahay matapos nakabarilan ang mga pulis sa Quezon City. PHOTO BY JAMES AGUSTIN
Patay ang dalawang umano'y akyat bahay matapos nakabarilan ang mga pulis sa Quezon City. PHOTO BY JAMES AGUSTIN

Nauwi sa engkwengtro ang habulan sa pagitan ng mga pulis at dalawang umano'y miyembro ng akyat-bahay sa Mindanao Avenue Extension sa Barangay Greater Lagro Quezon City mag-aala una ng madaling araw.

Dead on the spot ang dalawang suspek na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.

Bago nito, nakuhanan sa CCTV camera ang pagdating ng mga suspek sa Lagro Subdivision sakay ng motorsiklo.

Inakyat nila ang gate ng bahay hanggang sa makapasok sa loob.

Kwento ng may-ari ng bahay, nagising siya at nakitang hinahalughog na ng mga suspek ang bahay.

Tinutukan pa raw siya ng baril ng isa sa mga suspek.

Nakuha ang wallet na naglalaman ng P3,000 at sapatos.

Tumakas ang mga suspek at agad na nakahingi ng tulong sa barangay ang biktima.

Sa isa pang anggulo ng CCTV, kita naman na pinaputukan ng angkas ang police mobile na nagsasagawa ng checkpoint sa subdivision habang patakas sila.

Doon na hinabol ng mga pulis ang mga suspek at nagkapalitan ng putok sa Mindanao Avenue Extension.

Ayon sa mga taga-barangay, dayo lang sa lugar ang mga suspek na posibleng nasa likod ng ilang insidente ng akyat-bahay.

Nakuha sa mga suspek ang mga ninakaw na gamit at dalawang baril. — BAP, GMA News