Ikinalulungkot ng pamunuan ng Philippine Children's Medical Center sa Quezon City ang pagkasawi ng isa sa lima nilang doktor na tinamaan ng dengue. Ang naturang mga doktor, mga batang pasyente na may dengue umano ang pinagsisilbihan.


Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nagsagawa ng "misting" at iba pang kaukulang preventive measure laban sa dengue sa ospital matapos bawian ng buhay nitong Miyerkoles ang isa sa lima nilang doktor na tinamaan ng dengue.

"Ang aming interpretation nagkaroon siya ng dengue shock that's why malalala ang kaniyang naging condition," sabi ni Dra. Sonia Gonzalez, tagapagsalita ng PCMC.

Samantala, gumaling at nakabalik na sa trabaho ang apat pang doktor.

Ayon sa PCMC, ito ang unang pagkakatao na ganito karaming doktor nila ang na-dengue at may namatay pa.

Mula umaga raw kasi hanggang gabi ang pag-iikot ng mga doktor para sa mga pasyenteng may dengue kaya mas peligroso at lantad sila sa lamok na nagdadala ng virus.

"Kung nandiyan ang lamok ang 'vector' na tinatawag, at may mga puwedeng pagkuhanan ng virus sa mga dugo ng pasyenteng may dengue, puwede kasing magkaroon ng ibang tao na makagat nung 'vector' na lamok na 'yon," paliwanag ni Gonzalez.

Bukod sa may mga puno sa ospital, bukas din ang mga pasilyo ng pagamutan at may ongoing construction sa compound.

"We're in control," pagtiyak naman ni Gonzales. "Talagang hinahanap namin yung mga puwedeng pagpugaran nitong mga lamok at mga kiti-kiti."

Bilang pag-iingat, pinagsusuot ng mahabang manggas ang mga medical staff at naglalagay sila ng insect repellant.

Nagsasagawa rin sila ng hospital-wide survey para alamin kung sino pa sa mga tauhan nila ang mayroong sintomas ng dengue.

Pinaaalalahanan din ng ospital ang mga dumadalaw sa mga pasyente na mag-ingat sa dengue.-- FRJ, GMA News