Nakuhanan ng video ang pagsampa ng dalawang "batang hamog" sa bubungan ng isang bumibiyaheng taxi habang mabagal ang usad ng trapiko sa EDSA sa bahagi ng Makati.  Ang dalawang pasaway, pinag-iinitan pa raw ang ibang motorista na naninita sa kanilang ginagawa.

Sa ulat ni JP Soriano sa "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing unang nakunan ang pagsampa sa bubungan ng taxi ng dalawa na tila menor de edad sa north bound ng EDSA-Pasay road tunnel sa Makati.

Kapansin-pansin sa video na tila may hawak na plastic na sinisinghot ang dalawa.


Ayon sa isang motorista na nakunan din ng larawan ang dalawa, niyuyugyog din daw ng dalawa ang taxi at nagpalipat-lipat sa iba pang sasakyan na kanilang inaambaan kapag sinisita sila.

"Pag nakabukas po 'yung bintana, minsan may dinudukot po sila sa loob 'pag sinasaway, inambahan nila 'yung pahinante o 'yung driver po," sabi ng motorista at  Youscooper na si LS Yazar.

Hinayaan na lang daw ng taxi driver ang dalawang batang hamog na lumubay din nang bumilis na ang daloy ng trapiko.

Sinabi naman ng Metro Manila Development Authority na paiigtingin pa nila ang pagbabantay sa EDSA lalo na ngayong "ber" months.

Aminado si MMDA spokesperson Celine Pialago na hindi nila kontrolado ang mga batang hamog na bumabalik sa EDSA kapag nahuli nila at ipinapasa sa ibang ahensiya ang pangangalaga.

Payo ng MMDA sa mga motorista, huwag nang lalabas ng sasakyan at huwag komprontahin ang mga batang hamog at sa halip ay tumawag sa kanilang hotline na 136.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News