Patay ang dalawang hinihinalang holdaper matapos maka-engkuwentro ng mga pulis sa Novaliches, Quezon City nitong Biyernes ng gabi.

Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa "Balitanghali"  nitong Sabado, nagsagawa ng pursuit operation ang mga awtoridad matapos holdapin ng anim na lalaki ang isang gasolinahan sa may Susano Road pasado alas-10 ng gabi.

Napatay ang dalawang suspek habang pinaghanap na ng mga pulis ang apat na nakatakas.

Dead on-the-spot naman ang dalawang hinihinalang gunrunner sa  hiwalay na operasyon ng kapulisan sa Valenzuela.

Ayon sa PNP-Criminal Investigation Detection Group (CIDG), nanlaban daw ang mga target dahil nakatunog sila na mga pulis ang kanilang ka-transaksyon.

Posibleng mga gun-for-hire din umano ang mga nasawi. — Margaret Claire Layug/MDM, GMA News