Matapos kumain sa isang feeding progam sa Muntinlupa City nitong Sabado, 107 na tao ang nakaranas ng food poisoning.

Bandang alas tres ng hapon, nagsimula raw isugod sa Ospital ng Muntinlupa ang mga pasyente na taga Sitio Makabuhay, Barangay Poblacion, Muntinlupa matapos mahilo, sumakit ang tiyan, at sumuka.

Ang mga pasyente ay beneficiaries ng feeding program na ginawa ng mga estudyante at guro mula sa De La Salle Santiago Zobel.

Ayon kay Dr. Edwin Dimatatac, chief of hospital ng Ospital ng Muntinlupa, karamihan sa mga pasyente ay pinauwi na.

Ayon kay Acting City Health Officer Juancho Bunyi, kumuha na sila ng sample ng pagkain para ipa-test sa Food and Drug Administration.

Kumuha na rin sila ng rectal sample sa mga pasyente para ipa-test sa Research Institute for Tropical Medicine.

Magsasagawa raw ng imbestigasyon ang City Health Office sa nangyari.

Kapag napatunayan sa imbestigasyon na may mali sa paghahanda ng pagkain, puwedeng sumailalim sa seminar ang mga taga organisasyon.

Pwede rin daw silang makatanggap ng warning mula sa City Health Office.

Ayon sa mga pasyente, alam naman daw nilang aksidente lang ang nangyari at hindi naman nila sinisisi ang organisasyon.

Humingi na ng paumanhin ang pamunuan ng De La Salle Santiago Zobel School sa nangyaring hinihinalang food poisoning.

Patuloy raw na minomonitor ng paaralan ang mga apektadong residente.

Ginagawa rin daw nila ang lahat para matulungan ang mga na-ospital.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang naging sanhi ng insidente.

Sa ngayon, sinuspinde muna ng paaralan ang Goodbye Gutom feeding program habang iniimbestigahan ang pangyayari. —KG, GMA News