Ilang tulak umano ng droga, kabilang ang dalawang menor de edad ang naaaresto sa isang drug raid na isinagawa sa Barangay Gulod, Quezon City. Ang isa sa kanila, may bitbit pang sanggol.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang mga nahuling suspek na sina Malaya Cornejo, Clara Sumbilla, Monjehar Diamaton at dalawang menor de edad.

Hindi naman naaresto ng mga awtoridad ang pangunahing target ng operasyon na si Jeffa Gerbacio Salunayan, na nakatakas matapos lumusot sa dikit-dikit na mga bahay na may mga lagusan.

"Nakita niyo naman 'yung lugar na pinag-raidan... maraming sikreto na lagusan. Ang medyo nakakalungkot lang dito 'yung mga tao rito 'pag tinatanong natin...  uncooperative, ayaw madamay," sabi ni Police Superintendent Rossel Cejas, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4.

"Siya ang katransaksyon natin pero pagdating doon ay wala naman siya. Ginagamit niya rin 'yung mga bata para ano makipagtransaksyon. Para-paraan lang naman nila 'yan, mukhang wala silang alam, inosente," dagdag ni Police Senior Inspector Dennis Francisco, hepe ng SDEU/Intelligence Branch ng QCPD Station 4.

Ayon sa ulat, nakumpiska ng mga awtoridad ang walong plastic ng shabu sa diaper ng mga bata na may street value na P70,000.

Todo-tanggi naman ang ibang mga suspek sa mga alegasyon laban sa kanila.

Gayunman, umamin kinalaunan si Diamaton na tulak siya ng ipinagbabawal na gamot.

Sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek samantalang dinala naman sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development ang mga menor de edad.-- Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News