Inihayag ng Philippine Children's Medical Center (PCMC) na may pito pa silang empleyado na nagkaroon din ng dengue, bukod sa nauna nang limang doktor na inanunsyo kung saan isa ang nasawi.

Sa isang statement, sinabi ni Julius Lecciones, MD, executive director ng PCMC, na nagsagawa sila ng employee mapping at inventory sa kanilang mga empleyado, mga kaswal, mga kontraktwal at may job order upang tugunan ang paglaganap ng dengue sa ospital.

Lumabas na sa 1,018 nilang mga empleyado, sampung doktor at dalawang nars ang tinamaan ng dengue mula Mayo hanggang sa kasalukuyan, kasama na ang naunang limang doktor na inanunsyo noong Setyembre 20.

Bukod dito, dalawa ring rotating doctor trainees mula sa ibang mga ospital ang tinamaan din ng dengue, isa noong Agosto at isa noong Setyembre.

Binanggit ng PCMC na hindi pa nakatanggap ng dengue vaccination ang 12 empleyado at 2 doctor-trainee rotators.

Gumaling na raw ang lahat ng mga doktor, maliban sa isang nasawi.

Sinabi rin ng pamunuan ng ospital na wala sa kanilang mga pasyenteng may ibang sakit ang nagkaroon ng dengue nang ma-admit, at wala ring mga magulang o guardian ang nagka-dengue habang ina-admit ang kanilang mga anak o alaga.

Sa pahayag pa ng PCMC, sinabi nilang nagsasagawa na sila ng intensified control at preventive measures para sa kaligtasan ng kanilang mga pasyente, mga magulang at empleyado.

Katulong ang Department of Health, kabilang dito ang hospital-wide search at destroy vector control managament sa ospital, misting, fogging at paggamit ng insect repellants. —Jamil Santos/KG, GMA News