Naglabas na ng arrest order ang isang hukom sa Makati laban kay Senador Antonio Trillanes IV, kaugnay sa huling ng pamahalaan na idetine ang mambabatas matapos na pawalang-bisa ang kaniyang amnestiya.

Nitong Martes, inanunsyo na kinatigan ni Judge Elmo Alameda ng Makati Regional Trial Court's Branch 150 ang mosyon ng Department of Justice para sa pagpapalabas ng warrant of arrest at hold departure order laban kay Trillanes na kilalang kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunman, pinapayagan ng korte si Trillanes na maglagak ng P200,000 piyansa para sa kinakaharap na kasong rebelyon noong 2007.

Ang kasong rebelyon ay kaugnay sa pagsugod ng mga sundalo na kinabibilangan ni Trillanes, na noo'y Navy officer, ang Manila Peninsula.

Si Alameda ang humawak sa naturang kaso na nabasura noong 2011 matapos na mabigyan ng amnestiya si Trillanes noong 2011, na ibinigay ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Iginiit ng abogado ni Trillanes na hindi basta-basta na "binubuhay" ang isang kasong ibinasura na.

Batay sa proklamasyon na pinirmahan ni Duterte noong Agosto, walang bisa ang amnestiya na ibinigay ng Aquino government kay Trillanes dahil hindi niya nakamit ang mga itinatakda sa pagkakaloob ng  amnestiya gaya ng pagsusumite ng aplikasyon at hindi  pag-amin sa ginawang kasalanan.

Itinanggi naman ito ni Trillanes at nagpakita ng mga papeles at larawan para patunayang sinunod niya ang proseso sa pagkuha ng amnestiya.

Bagaman binatikos ni Trillanes ang desisyon ng korte na ipaaresto siya, handa naman umano siyang maglagak ng piyansa.— FRJ, GMA News