Malapit nang mahigitan ng Ultra lotto 6/58 ang pinakamalaking papremyo na tinamaan sa lotto na mahigit P741 milyon noong 2010.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakalagay na ang winning combination sa 6/58 draw ay 50-21-51-19-53-48 at may papremyong P734,038,468.00.

Gayunman, wala pa ring tumama sa ginanap na lotto draw nitong Martes, Setyembre 25, 2018.

Dahil wala pa ring tumama, inaasahang mahihigitan na nito sa susunod na draw ang pinakamalaking papremyong tinamaan ng isang mananaya sa 6/55 draw na mahigit P741 milyon noong 2010.

Mula nang magkaroon ng  ultra lotto draw, 12 tao pa lang umano nanalo rito at huling tinamaan ang winning combination noong nakaraang Pebrero 16, na dalawang mananaya ang naghati sa premyo.

Sa isang ulat, sinabing batay sa mga statistician, mas mataas pa raw ang tiyansa na tamaan ng kidlat ang isang tao, kaysa tumama sa ultra lotto.

Samantala, wala ring tumama sa isa pang draw para sa 6/49 draw na may winning combination na 07-12-05-18-46-44, at may papremyong P55,964,344.00.

Umabot naman sa P32,714,804.00 ang premyo sa 6/42 draw na may winning combination na 19-42-14-08-22-09, at wala ring nanalo. -- FRJ, GMA News