Sinalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang condominium unit sa Pasay City na ginagamit umanong shabu laboratory. Nakumpiska rito ang nasa 80 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P544 milyon.

Apat na Chinese na galing umano sa Hong Kong ang naaresto sa operasyon na kinilalang sina Lam King Wah, Wong Ka Lok, Lam Wing Bun, at Lam Ming Sun.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, unang naaresto sa buy-bust operation sina Lam King  at Wong Ka matapos mabilhan ng dalawang kilo ng shabu sa Aseana Power Station sa Paranaque City.

 

 

Sumunod namang naaresto sa isa pang buy-bust operation nitong Martes ng hapon sina Lam Wing at Lam Ming, at nakuha naman sa kanila ang isang kilo umano ng shabu.

Dakong 7:00 p.m., isinagawa ang follow-up operation sa condo unit at doon nakumpiska ang 80 kilo ng hinihinalang shabu.

Batay sa imbestigasyon sina Lam Wing at Lam Ming umano ang nagsisilbing "tagaluto" sa shabu lab habang nagsisilbing handler naman ang dalawa pang suspek.

Sinabi ni Aquino, na ang pagkakaaresto sa mga suspek ay resulta ng follow-up operation sa isapang Chinese na nahuli naman kamakailan. -- FRJ, GMA News