Naging maaksyon ang ginawang pag-aresto ng mga awtoridad sa isang kilabot umanong snatcher sa Quezon City nang tangkain pa nitong takasan ang mga awtoridad.



Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing isinagawa ng mga awtoridad ang pagsalakay sa Barangay Old Balara sa Quezon City para isilbi ang arrest warrant laban sa suspek na si Arvin Cruz.

Sinasabing kilabot na snatcher si Cruz na ilang beses na ring nakunan sa CCTV na nanghahamblot ng mga gamit sa mga motorista tulad ng cellphone.

Pero nang dumating ang mga pulis sa bahay ng suspek, tumakbo ito at umakyat pa sa bubungan para makatakas pero nahuli rin kinalaunan matapos ang habulan.

Ang ilang kaanak ng suspek, tinangka pa raw pigilan ang mga pulis at nagmumura pa.

Ayon pa sa pulisya, gabi at araw umano kung umatake si Cruz para mang-agaw ng mga bag, cellphone at mahahalagang gamit ng mga biktima sa mga panulukan ng Luzon, Commonwealth at Tandang Sora sa Quezon City.

Ilang beses na ring nakulong si Cruz pero nakalaya dahil umatras ang ilang complainant matapos mabawi ang kanilang gamit.

"Wala na andito na po tayo. Wala nang magagawa eh," sabi niya.

Nagrekomenda naman ang korte ng P100,000 bilang piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Cruz, na idedetine sa Quezon City Jail.-- FRJ, GMA News