Natagpuang patay sa Davao City ang isang anim na taong gulang na batang babae, na pinaghihinalaan ring pinagsamantalahan.

Ayon sa ulat mula sa Quick Response Team, kinilala ang biktima na si Christine Angel Laquinario na natagpuang nakagapos ang bangkay malapit sa ilog ng Purok 9, Brgy. Matina Pangi, Davao City.

Natagpuan ang biktima isang linggo mula ng ito'y maiulat na nawawala.

Naagnas na rin ang labi ng biktima nang ito ay matagpuan.

Naghihinagpis ang ina ng biktima na si Jezalle Laquinario.

“Hindi ko na halos makilala kung siya ba talaga kasi nakatago ang mukha, natabunan ng balat ng niyog. Ang lower part lang ang nakita ko. Nasaktan ako sa sinapit niya kasi naaagnas na at inuuod na siya,” ani Laquinario.

Nang makita ko ang anak ko, wala ng buhay,” dagdag pa niya.

Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na pananakal ang ikinamatay ng bata at sinubukan pang sunugin ang kanyang bangkay dahil bakas pa ang sunog na ulo ng biktima.

"During the six-day period before the discovery of the child, siguro napag-isip-isipan niya na merong ebidensya na may namatay. Nag-attempt pa siyang sunugin 'yung bata,” sabi ni Davao City Police chief Alexander Tagum.

Hindi pa lumalabas ang resulta ng DNA test na ginawa para malaman kung ginahasa nga ba ang biktima.

Nadakip naman sa follow-up operation ang suspek na si Rico Jay Labao, kapitbahay ng biktima.

Si Labao ang nakapagturo kung nasaan ang biktima, at natagpuan rin sa bahay ng suspek ang wire na ginamit sa paggapos sa biktima.

Humingi ng tawad si Labao sa nanay ng bata pero itinanggi niyang siya ang pumatay sa biktima.

Napag-alaman naman na binabastos rin ng suspek ang 16 taong gulang na kapatid ng biktima at mga kaibigan nito.

Sinampahan na ng reklamong murder ang suspek.

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na maraming kaso ng rape sa Davao City, ang kanyang balwarte, dahil maraming magagandang babae rito.

Kinondena ito ng mga women's groups at ni Vice President Maria Leonor "Leni" Robredo na nangatwiran na ang rape ang nangyayari hindi dahil sa magaganda kundi dahil sa mga rapists. —Llanesca Panti/NB, GMA News