Sa edad na 94, nais pa rin ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na muling tumakbong senador sa darating na 2019 midterm elections. Kapag nanalo, mayroon siyang anim na taong termino muli bilang mambabatas.

“Yes, my lawyers will be filing my certificate of candidacy this afternoon,” sabi ni Enrile sa panayam sa telepono ng GMA News Online nitong Martes.

Tatakbo umano bilang independent candidate si Enrile.

“I’m an independent. Puno na ang ticket ng mga partido,” saad niya sabay sabing ikakampanya niya ang ilang kandidato.

“I would like to promote the candidacy of some people. I would make my own ticket, I will campaign for some people. If I’m going to go around the country, might as well campaign for other candidates,” ayon kay Enrile.

Gayunman, tumanggi si Enrile na sabihin ang mga kandidato na kaniyang ikakampanya.

Ayon kay Enrile, gusto niyang ipaliwanag sa mga tao ang mga isyung lumalabas ngayon sa bansa tulad ng mataas na presyo ng petrolyo, inflation, federalism, at ano ang hinaharap ng Pilipinas at mundo sa darating na panahon.

“I would like people to understand the debatable issues. For instance, bakit tumataas ang presyo ng gasolina? Bababa pa ba ‘yan? Bakit nagkakaroon tayo ng inflation na ganito? Meron pa bang remedyo diyan? Itong federalismo ay makabubuti ba sa atin o magkakaroon tayo ng problema? Ano ba ang hinaharap ng bayan natin sa mundo? Ano ang haharapin ng buong mundo sa siglo na ito,” paliwanag niya.

Naging senador si Enrile sa loob ng apat na termino. Una noong 1987 hanggang 1992, sumunod noong 1995-2001, ikatlo naman mula noong 2004-2010 at panghuli noong 2010-2016.

Kasalukuyang nakalalaya sa bisa ng piyansa si Enrile kaugnay sa kinakaharap na plunder at graft case sa Sandiganbayan bunga ng umano'u maanolyang paggamit niya sa kaniyang pork barrel funds.

Samantala, sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto III, senior council leader ng Nationalist People’s Coalition, na posibleng suportahan nila ang kandidatura ni Enrile.

“We will most probably, I will surely endorse him,” sabi ni Sotto sa text message. — FRJ, GMA News