Wala nang buhay ang limang taong gulang na si Janessa Pillas nang matagpuan sa isang balon sa bayan ng Pila sa Laguna.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA 24 Oras nitong Martes, nawala raw ang biktima noong hapon ng Linggo.

Sa balon na nakita ng kanyang pamilya ang kanyang bangkay, makalipas ang kalahating oras.

Hinala ng pamilya ng bata, nadulas ang biktima habang papauwi sa kanilang bahay kaya nahulog at nalunod sa walang takip na balon.

Ang balon daw na ito ang pinagkukunan ng tubig ng mga residente roon.

Ikatlong insidente na raw ito na may batang nalunod sa naturang balon.

Wala pang pahayag ang may-ari ng balon pero pababakuran na raw ito ng barangay para sa kaligtasan ng mga residente. —Dona Magsino/NB, GMA News