Isang pulis Maynila ang isinugod sa ICU ng isang ospital matapos siyang utusang mag-squat thrust dahil hindi niya kilala ang opisyal na sinaluduhan niya.

Ayon sa ulat ni Ian Cruz sa "State of the Nation with Jessica Soho", nakaka-apat pa lang na squat thrust si SPO3 Mario Asilo ay nahilo na ito.

Sampung squat thrust daw ang pinapagawa ng opisyal ng MPD-SWAT na si Chief Inspector Reynante Parlade.

"Diumano, 'yung victim habang naglalakad siya, pass by siguro dun sa grupo ng mga officers at di siya naka-render ng salute," sabi ni Superintendent Carlo Magno Manuel, hepe ng Police Community Relations ng MPD.

"So ang nagyari as a form of ano, pinag-squat thrust yata siya," dagdag pa niya.

May sakit daw sa puso ang MPD detective.

Sabi ni Asilo, Lunes ng hapon ng pumunta siya sa opisina ng SWAT upang kumuha ng report.

Dinaanan daw niya ang isang grupo ng mga pulis at sumaludo siya matapos makita ang uniporme ng isang opisyal.

Paglabas ni Asilo sa opisina ay kinausap siya ni Parlade at dalawa pa nitong kasama.

Tinanong ni Parlade kung kilala siya ni Asilo. Sinabi daw ni Asilo na hindi niya kilala ang opisyal.

Nasa regular na silid na si Asilo ngunit hinahanda na siya para sa isang heart bypass surgery. —NB, GMA News