Umabot sa  51 na Chinese nationals ang nahuli sa magkakahiwalay na operasyon ng Bureau of Immigration (BI) Fugitive Search Unit at Chinese Interpol sa Makati , Muntinlupa at Pasay.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras",  limang condo units sa Makati ang pinasok ng mga operatiba kung saan 30 dayuhan ang inaresto dahil sa iba’t ibang uri ng cyberfraud transactions.

Sa Alabang naman, nahuli sa akto ang 16 anim na Chinese nationals habang abala ang mga ito  sa kanilang illegal gambling operations sa loob ng isang exclusive na subdivision.

Ayon sa BI, ilang buwan nang nirerentahan ng mga dayuhan ang mansyon at nag-ooperate  umano ng online gambling na mahigpit namang pinagbabawal sa China.

Nahuli rin ang anim na Chinese fugitives sa loob ng isang five star hotel sa Pasay City na ilang buwan nang tinutuluyan ng mga dayuhan.

Ang nasabing hotel ay ginawang sentro ng kanilang online economic fraud activities.

Nakumpiska sa mga suspek ang samu’t saring gadgets tulad ng laptops, mobile wi-fi connection, access cards at digital data na magiging ebidensya laban sa kanila.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga dayuhan sa magkakasunod na operasyon. —Joviland Rita/NB, GMA News